Mga Unang Aklasan
Lintik lamang ang walang ganti
-- Matandang wikain
PARANG nag-iipong bagyo na ipinahiwatig ng kulog at kidlat, ang papalapit na himagsikan ay pinangunahan ng maraming aklasan. Dalawa ang nakapagtayo ng malayang pamahalaan sa Pilipinas; ang isa ay tumagal nang 85 taon bago nasupil.
Nuong 1585, 11 taon lamang pagkamatay ni Miguel de Legazpi, nagtangka nang maghimagsik sa Pampanga, ngunit ipinagkanulo ng isang babae. Pagkaraan ng 2 taon, nagsapakat sina Felipe Salonga, puno ng Polo, Esteban Tasi, puno ng kabayanan ng Bulacan, at ang mga pinuno ng Tondo, sina Misilo at Ta-is. Humingi pa ng tulong sa Borneo ngunit napigil ng mga Español. Sa sumunod na taon, nag-aklas naman ang mga Ilocano sa pamumuno ni Dingras. Sa Cagayan naman naghimagsikan nuong 1596 ang mga punong baranggay sa pamumuno ni Magalat at ng kanyang kapatid. Umarkila ng mga mamamatay-tao si Francisco Tello, governador general ng Pilipinas, na pumatay kay Magalat. Sumunod nag-aklas ang mga Igorot nuong 1601; gaya ng mga Muslim sa Sulu, kailan man ay hindi sila nagawang binyagan ng mga Español.
Nag-aklas muli sa Ilocos nuong 1616, sa pumumuno ni Pedro Almazan. Ang mga Gaddang ang sumunod naghimagsik. Isang matandang binyagan, si Bancao ang nag-aklas sa Leyte, upang bumalik ang mga Waray-waray sa pagsamba sa mga anyito gaya nang dating gawi; nagapi ang kanyang pangkat nang lusubin ng alkalde mayor [provincial governor] ng Cebu, kasama ang 40 bangka ng mga mandirigmang Cebuano. Pati ang mga Intsik sa Parian, sa labas ng Intramuros, ay nag-aklas dahil sa lupit ng turing sa kanila. Mahigit 12,000 Intsik nuong 1603 ang sumugod sa Manila at gumapi sa mga sundalong Español na nanawagan ng tulong mula mga katutubo. Pinagpapatay ng mga ito ang mga Intsik at napuksa ang aklasan.
Nuong 1621, isang babaylan sa pulo ng Bohol ang humikayat sa mahigit 2,000 Boholano na wakasan ang pagka-api sa kamay ng mga Español. Ipinangako ni Tamblot, ang babaylan, na tutulungan sila ng mga ninuno at ng mga diwata. Itinaon nila ang aklasan sa kapistahan ni San Javier nang lahat ng frayleng Jesuit ay nasa Cebu upang magdiwang. Sugod uli ang sanlibong mandirigmang Cebuano at 50 sundalong Español sa utos ni Don Juan de Alcarazo at pinuksa si Tamblot nuong araw ng bagong taon ng 1622. Si Pedro Ladia, isang taga-Borneo, ang nagsabing apo-apo siya ni Lakan Dula, ang nanawagan sa mga taga-Malolos na hirangin siyang Hari ng mga Tagalog nuong 1643. Ngunit nadakip siya ng mga Español at pinatay sa Manila. Sumiklab sa Pampanga nuong 1660 nang sunugin ng mga Kapampangan ang sarili nilang mga bahay at sumumpang ipaglalaban nila ang kanilang mga karapatan. Pinuno nila si Francisco Maniago ngunit wala silang nagawa nang tumangging sumapi ang pinuno ng Arayat, si Juan Macapagal, sa pakana ni governador Manrique de Lara.
Nuong 1744 nagsimula ang pinakamahabang aklasan sa Pilipinas, tumagal ng 85 taon, nang nautusan ang isang pulis, si Sagarino Sendrijas, na dakpin ang isang taga-Bohol na umalis sa kanyang pagka-katoliko. Si Sagarino ang napatay sa pagdakip. Dinala ng kapatid niya, si Francisco ‘Dagohoy’ Sendrijas, ang bangkay sa nag-utos na frayle, si Gaspar Morales ng mga Jesuits, ngunit tumanggi itong ilibing ang kapatid sa cementerio dahil napatay sa duelo, na labag daw sa utos ng simbahan. Sumumpa si Dagohoy na maghihiganti. Nagtayo siya ng malayang pamahalaan sa bundok-bundok ng Bohol, ang kauna-unahang pamahalaan ng Pilipino mula nang dumating ang mga Español nuong 1565. Mahigit 3,000 Boholano ang namundok at sumapi sa kanya.
Pinatay ni Dogohoy si Frayle Morales. Napatay din ang isa pang frayle, si Giuseppe Lamberti, ng mga kakampi ni Dagohoy. Umabot sa 20,000 ang mga sumapi sa kanya nang mabantog na siya ay may “galing” at tinawag siyang Dagohoy mula sa wikang “dagon sa hoyohoy” [anting-anting sa hangin, nakatatalon sa kabilang bundok]. Ilang ulit niyang tinalo ang mga sandatahang Español; naitaboy niya ang mga kampo ng sundalo sa Loboc, Jagna, Talibon at Dauis na itinayo ng mga Español upang lupigin siya. Tuloy pa rin ang aklasan pagkamatay niya, sa pamumuno ng anak, si Handog, at ng kapatid, si Iwag. Nuong Mayo 1827, sa utos ni governador Mariano Ricafort, ang pang-21 governador na lumusob kay Dagohoy, nagpadala ng mahigit 2,000 sundalo at Cebuano si Jose Lazaro Cairo, alkalde-mayor ng Cebu, upang puksain ang aklasan. Ilang ulit silang nanalo sa sagupaan ngunit patuloy ang aklasan. Nuong Abril sa sumunod na taon, nagpadala uli ng kanyon at sundalo sa pamumuno ni Kapitan Manuel Sanz. Mahigit isang taon naglabanan bago nagapi ang aklasan nuong Agosto 31, 1829. Mahigit na 19,000 sa mga naghimagsik ang bumaba sa bundok at nagbalikan sa mga kabayanan ng Batuanan, Cabulao, Catigbian at Vilar.
Si Diego Silang ang naghimagsik sa Ilocos nuong Disyembre 1762. Napalayas niya ang mga Español mula Vigan, Ilocos Sur, at tinalo niya ang mga sandatahang Español na paulit-ulit nagtangkang lupigin siya. Nagtayo siya ng malayaang pamahalaan, ang pang-2 pamahalaan ng katutubo sa Pilipinas [nakatayo pa nuon ang malayang pamahalaan ni Dagohoy sa Bohol]. Nakipag-ugnay at kinilala ang pamahalaan niya ng sandatahang Britain, na nuon ay sumasakop sa Manila, dahil sa digmaan ng España at Britain sa Europa [seven-year war, 1756-1763]. Napatay siya nuong Mayo 1763 ng isang mamatay-taong inarkila ng mga Español.
Ipinagpatuloy ng kanyang viuda, si Maria Josefa Gabriela Silang, at ng tio, si Nicolas Carino, ang paghihimagsik ngunit nagapi sa sagupaan sa Kabugao. Tumakbo sila sa Abra at nagbuo ng sandatahang lumusob sa Vigan uli ngunit natalo; binitay si Gabriela nuong Septiyembre 30, 1763.
Sa Ilocos pa rin, nang simulan ng mga Español ang sunud-sunod na sarilinan ng kalakal [monopolies], sunud-sunod din ang aklasan. Nuong 1788, namuno si Ambaristo laban sa sarilinan ng kalakal na tabako na itinayo ni Jose Basco y Vargos nuong 1781. Nuong 1807, si Pedro Mateo ang nag-aklas laban naman sa sarilinan ng alak na basi. Nuong 1814, nagligalig si Hernando Sarrat upang maging kapantay ng mga Pilipino ang mga Español sa Pilipinas. Dahil sa maraming aklasan sa Ilocos, pinaghati ang Ilocos Norte at Ilocos Sur nuong 1818 upang higit na madaling supilin ang mga maligalig.
Sukdulan na ang baba ng tingin ng mga frayle sa Pilipino nuong ipanganak si Apolinario dela Cruz sa Lukban, Tayabas, nuong 1815. Español lahat ng frayle, hindi pinayagan simula’t simula pa na sumali ang mga Pilipino o mestizo sa kanilang matimtimang lipunan [religious order]. Matagal nang nais ng kaharian sa Madrid na mga katutubo ang humawak ng mga paroco sa Pilipinas, upang mabawasan ang lumalagong kapangyarihan at lupain ng mga frayle. Utos ng Hari sa Madrid nuong 1774 na ibigay sa mga katutubong pari ang mga paroco na hawag ng mga frayle. Naglagay ang pamahalaan ng mga katutubo at mestizong
pari sa ibat ibang paroco ngunit hindi sumuko ang frayle, pagkaraan lamang ng 2 taon, nuong 1776, napatigil nila ang utos ng hari. Saka, ginawang pari o sacerdote lamang ang mga katutubo o mestizong nais sumapi sa simbahan, hindi maaaring maging frayle. Hindi lamang ito, nuong kapanahunan ni Dela Cruz, hinadlangan pa nila ang pagiging pari ng mga katutubo o mestizo, upang mabawasan ang karibal nila sa paghawak ng mga paroco.
Kaya nang lumaking matimtiman si Dela Cruz at paulit-ulit nagtangkang mag-pari, lagi siyang nilibak ng mga frayle. Nagtiyaga na lamang si Dela Cruz na maging tagapaglinis at utusan sa ospital ng San Juan de Dios sa Manila, ngunit nang sumapi siya sa kapatid-samahan ng mga mapagdasal [lay brotherhood] ng Cofradia de San Juan de Dios, sinisante siya at napilitang bumalik sa Lukban. Duon, itinatag niya at 19 kasama nuong 1832 ang sariling kapatid-samahan, ang Cofradia de San Jose, para sa mga katutubo o mestizo lamang, walang Español. Sa loob ng 8 taon, libu-libo ang naging kasapi nila sa Tayabas, Batangas, Laguna at Tondo. Sa payo ng mga kasaping abogado, hiniling niyang kilalanin ang samahan ng obispo sa Nueva Caceres, Camarines, at pagkatapos sa Audiencia Real sa Manila, ngunit tinanggihan nang kalabanin siya ng mga frayleng Franciscan at ni Manuel Sancho, ang frayle sa Lukban. Inutos ni Marcelino de Oraa, ang governador general, na lansagin ang samahan. Dinakip at pinahirapan ng mga sundalo ng Español ang mga kasaping taga-Majayjay, sa Laguna. Napilitang tumakas si Dela Cruz at ang libu-libong kasapi sa Inlaying Isabang, malapit sa Sariaya, at duon, hinayag niyang ililikas ng Diyos ang mga katutubo mula sa pang-aapi ng mga Español.
Nuong Octobre 23, 1841, nilusob sila ni Joaquin Ortega, governador ng Tayabas, kasama ng mga frayle at mga sundalong Español. Lumaban at nagwagi sina Dela Cruz, tinulungan ng mga Negrito, napatay pa nila si Ortega. Nagpadala ng higit na maraming Español si Governador Oraa, kasama ng ilan daang sundalong Kapampangan. Umurong sina Dela Cruz sa Alitao, sa paanan ng bundok Banahaw. Duon sila nagapi ng mga Español nuong Nobyembre 1 1841. Mahigit 500 sa samahan ang pinagpapatay, pati mga babae at mga bata. Nahuli si Dela Cruz at pinugutan ng ulo sa plaza ng kabayanan ng Tayabas nuong Nobyembre 4, 1841. Ibinitin ang ulo sa harap ng bahay niya sa Lukban. Libu-libo sa mga kasapi ng Cofradia ang tumakas sa mga bundok ng Banahaw at San Cristobal at naging mga taga-bundok o remontado mula nuon. Dumanak sila at nagbara-baranggay, lalo na ang mga nasa Banahaw, at naging bantog bilang mga relihiyoso. Ngayon, dinadayo ng maraming sumasamba, at tinatawag na silang mga colorum.
Ngunit nuong panahon ni Dela Cruz, patuloy ang paglibak ng mga frayle sa mga Pilipino. Alam nilang nais ng kaharian sa Madrid na kunin ang pinakamalalaking lupain sa Pilipinas, na ari nuon ng mga frayle, upang gamitin sa gastos ng pamahalaan sa Manila. Umabot sa paghataw nila ng sinumang katutubo na nagsasalita ng Español. Ayon kay Apolinario Mabini, nais ng mga frayle na matuto lamang ang mga indio ng dasal at buhay ng mga santo ngunit hindi dapat matuto ng Español, at kapag natuto, mauunawaan na nila ang mga utos at batas ng pamahalaan, at hindi na nila kailangan pang sumangguni sa mga frayle.
Ipinaghiganti si Dela Cruz ni Sarhento Samaniego at ng mga taga-Tayabas na sundalo ng sandatahang Español, naka-destino malapit sa Manila. Nilusob at sinakop nila ang Fuerza Santiago nuong Enero 20, 1843, ngunit nagapi ng mga Español at binitay kinabukasan. Isang tauhan ni Dela Cruz, si Januario Labios, ay nag-aklas sa Tayabas sa panig ng mga magsasaka.
Nasugpo sa dahas si Dela Cruz at Samaniego, ngunit hindi nagapi ng pananakot ang masidhing pagnanasa ng madlang makaingos sa tuluyan at sumisidhing pagmamalupit at pang-aapi. Sa panahong maaaring ipiit ang sinumang ayaw lumuhod at humalik sa kamay ng frayle, nang ang sinumang magsalita laban sa Español ay maaaring bitayin sa Bagumbayan, marami at panay ang tumakas sa pinakaliblib na natagpuan nila, gaya ng mga colorum, o nagtulisan nang tuluyan at namuhay sa pandarambong. Sa mga lalawigan paligid ng Manila, nagsimulang naglipana ang mga tulisan, ilang pook sa Laguna ang tinawag na villas delos ladrones - takot, hawak ang gulok at walang tiwala ang mga tao sa sinumang nakasalubong na hindi kilala.
Itinatag nuong 1868 ang Guardia Civil, mga masunuring Pilipinong ginawang pulis, pinamunuan ng mga Español; hinimpil sa bawat lalawigan at malalaking kabayanan. Kasabay ang pagdami ng mga carcel. Sa Bilibid ipiniit ang mga nahatulan nang mahaba; ginamit na lagakan ang Fuerza Santiago ng mga bibitayin sa Bagumbayan. Hindi nakaligtas sa pansin ng mga Español na ang aklasan ni Dela Cruz ang pinakamalawak, sinapian ng libu-libong tao mula sa iba’t ibang purok ng Luzon, at nagsimula ito sa mga matimtiman. Kinalimutan muna ng mga Español at ng mga frayle ang kanilang labanan at nagkaisa sa pagsugpo sa nakikitang paghamon sa kanilang kapangyarihan. Lalong nag-init ang
tingin sa mga katutubo o mestizong pari. Nuong 1861,
ipinag-utos ng pamahalaan na ibalik sa mga frayle ang lahat ng paroco sa Manila na hawak ng katutubo o mestizong pari. Lagablab ang labu-labo, agawan sa mga paroco.
Nuong 1864, naglabas ang mestizong Padre Jose Burgos ng isang matigas na panawagan [manifesto] na gawing pantay ang pagturing sa mga pari at frayleng katutubo, mestizo at Español. Sa mga sumanib sa kanyang kampanya ay 2 pang mestizong pari, sina Padre Mariano Gomez at Padre Jacinto Zamora.
Nang mag-aklas ang 200 sundalong katutubo sa Cavite nuong Enero 20, 1872, sa pamumuno ng isang mestizong Español, si Sarhento La Madrid, at patayin ang kanilang mga pinunong Español, ginamit itong dahilan upang dakpin at bitayin ang 3 mestizong pari. Nuong Pebrero 15, 1872, sa harap ng buong Manila, ginarote sila sa
Bagumbayan, unti-unting sinakal ng bakal sa leeg hanggang mamatay. Sinadyang malupit ang pagpatay upang matigil ang kalampag at takutin ang sinumang nais umangal sa pamamahala ng Español. Ngunit ang kabaligtaran ang nangyari. Gimbal ang buong Pilipinas sa pagpaslang hindi lamang sa iisa kundi sa 3 pari, na walang kasalanan at nagnais lamang makapantay ng mga Español, gaya ng nais ng nakararaming tao. Kaya sa halip na masindak, maraming nag-alab loob muli, gaya nang nangyari nuong panahon ni Dela Cruz. Naghintay lamang ng may isa muling magtayo ng watawat at maghayag ng paglikas ng Pilipino sa kaapihan.
At hindi gaya ng panahon ni Dela Cruz, kadamdamin nila ngayon ang mga ilustrado. Ngayon, hindi gaya ng nakaraan, hindi na nila tatanggapin ang taguring indio ng mga Español. Mula ngayon, sa kauna-unahang panahon, sila na ang tatawaging Pilipino.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|