Ayaw Na Ng Bayan
Ako ang nagsaing, iba ang kumain
-- Sawikain ng mga napagsamantalahan
Maraming taga-Manila, taga-Laguna at mga taga-Batangas na nakikipagbaka sa Cavite ang nawalan ng gana sa Himagsikan dahil sa karumaldumal na pagpatay kay Bonifacio, nawalan ng pag-asa at nagsi-uwian. Kaya madaling nagapi at nasakop ang Cavite at napilitan ang tinaguriang ‘pamahalaan ng Himagsikan’ na tumakas at magtago sa bundok-bundok ng Biac-na-Bato sa Bulacan...
-- Apolinario Mabini, sa La Revolucion Filipinas
SIMULA’T SIMULA pa ng pagsiklab ng Himagsikan, milyon-milyong Pilipino na ang hindi pumansin, sadyang umayaw o lubusang kumampi sa Español at lumaban sa Katipunan. Sinadya o hindi, nasarili ng mga Tagalog ang pakikibaka, at lalong nadiin ang pag-angkin sa mga panulat, gaya ng mga hayag ni Andres Bonifacio sa Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog, at ni Emilio Aguinaldo sa Simula ng Pamahalaang Tagalog at sa Mabuhay ang mga Tagalog! na panting sa tenga ng mga hindi-Tagalog.
Ang iba, gaya ng mga Kapampangan, kahit malapit sa Manila, ay hindi nakatikim ng pagkaaping dinanas ng mga Tagalog - pagnakaw ng mga lupa at bukid at sapilitang pagsisilbi sa Español nang walang bayad. Maraming Kapampangan nuon ay kawani sa pamahalaan o sundalo sa sandatahang Español, tumatanggap ng sueldo at nakakataas kahit papaano sa kalagayan ng pangkaraniwang Tagalog. Ang sakmalan ng lupa sa Pampanga at Tarlac ay nangyari pagkatapos ng Himagsikan, hindi nuong panahon ng Español.
Ang mga Ilocano, mga Bicolano at mga Visaya naman ay may likas na hinala sa mga Tagalog at, gaya ng mga taga-Albay na kumampi sa mga Español, sindak na baka matatag ang isang kaharian ng mga Tagalog na pipilit sa kanilang pumailalim sa Tagalog o maging Tagalog na rin.
Hintay muna: Hindi ba kasama ang Pampanga at Tarlac sa mga lalawigang unang naghimagsik laban sa Español? Nasa mga silahis ng araw sa watawat ng Pilipinas sila, hindi ba?
Naging mainit ang agawan ng silahis ng araw sa watawat o bandila ng Pilipinas. Ang pinakahuli ay ang lalawigan ng Zambales na naghimagsik halos kasabay ng ibang lalawigan nuong 1896. Tinanggihan ng Centennial Commission nuong 1998 dahil ang official daw ay ang lista ng 8 lalawigan ni General Ramon Blanco, governador nuon, sa paghayag ng pamahalaang pandigma [martial law] sa Pilipinas nuong Agosto 30, 1896: Manila, Laguna, Cavite, Batangas, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija at Tarlac.
Ang ginamit na batayan ng Zambales ay ang 8 lalawigang nilista ni General Camilo Polavieja, ang pumalit kay Blanco bilang governador, sa pahayag nuong Deciembre 24, 1896. Napalitan ng Zambales ang Tarlac: Manila, Laguna, Cavite, Batangas, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija at Zambales.
Iba rin ang mga lalawigan sa pahayag ni Aguinaldo ng Pagkapag-sasarili [independence] nuong Junio 12, 1898. Nawala ang Tarlac at Zambales, nasali ang Bataan: Manila, Laguna, Cavite, Batangas, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija at Bataan.
Sa pahayag ni Aguinaldo, ang kulay ng watawat, pula, puti at bughaw [azul o blue] ay ginaya mula sa watawat ng America, bilang parangal sa ‘kakampi at katulong ng Himagsikan.’
Tungkol sa Pampanga at Tarlac: Ang mga Kapampangan na ang umaamin na nakahiligan sila ng mga Español at palagiang sinapi sa kanilang sandatahan at kawanihang pamahalaan. Sabi pa, umunti ang dating nakararaming Kapampangan sa Luzon dahil sa mahigit 300 taon ng pagsugod, dala ng mga Español, sa iba’t ibang pulo, lalo na sa digmaan laban sa mga Muslim sa Mindanao. Marami raw ang mga nasalanta, higit na marami ang hindi na nagbalik sa Pampanga at Tarlac, at nanirahan na lamang sa mga pulong pinagdalhan. Karamihan sa mga inarkila ng mga Español ay sa Manila nadestino, at hindi maipagkakaila na maraming mga Kapampangan ay naging mga taga-Manila na.
Hindi rin maipagkakaila na maraming Kapampangan sa sandatahang Español. Isa sa mga pinakahuling malaking pakikibaka nila ay ang pagpuksa sa daan-daang kasapi ng Cofradia de San Jose sa bundok ng Banahaw nuong 1841. Nuong sumiklab ang Himagsikan ng Katipunan, Kapampangan ang karamihan sa 6,000 Pilipinong sundalo sa sandatahang Español sa Manila at Mindanao na ayaw nang pagkatiwalaan ni General Ramon Blanco, ang governador nuon. Ang mga sundalong Español na lamang ang pinanglaban, ang mga Pilipino [Kapampangan] ay inalisan ng armas at sinisante. Marami marahil sa mga napilitang bumalik sa Pampanga at Tarlac ay sumapi sa pag-aklas ni General Francisco Makabulos at naging malaking bahagi ng pagpalaya sa Tarlac, ngunit matanda na ang Himagsikan nang mangyari ito, hindi sa simula.
Sa unang 2 taon, 1896 at 1897, halos lahat ng sagupaan ng mga Pilipino at mga Español ay nangyari sa mga paligid ng Manila at, mayroon mang ilan-ilang Ilocano, Cebuano o Kapampangan, ang Himagsikan nuon ay likas at lubusang Tagalog. Lumawak lamang sa Visaya at ibang lalawigan ang Himagsikan nuong napatay na si Andres Bonifacio dahil
Gayun pa man, marami ang mga wala pa ring tiwala sa mga Tagalog, gaya ng mga taga-Panay na nagtatag ng Federacion delos Visayas dahil nais sumapi lamang, at hindi pumailalim, sa pamahalaan ng mga taga-Luzon. Napalawak man ang Himagsikan pagkapatay kay Bonifacio, ito rin naman ang nagpaunti ng mga lumalaban sa Español dahil sa pagka-unsiyami ng mga timawa na nawalan ng gana nang sarilinin ng mga principales at ng mga alalay nila ang Himagsikan. Naglaho ang malasakit ng mga tao-tao sa mga naghihimagsik. Nuong buhay pa si Bonifacio, nakakapuslit pa ang mga katipunero labas-pasok sa Manila sa tulong ng mga tao-tao, gaya ni Josephine Bracken; pati na ang mag-asawang Bonifacio ay binigyan ng babala at tinulungang makatakas pa-Balintawak. Ang mga sugatang katipunero ay ginagamot at itinatago sa mga naghahanap na Español ng mga mamamayang gaya ni Tandang Sora. Ang asawa ni Bonifacio, si Gregoria de Jesus, ay naitago nang ilang buwan sa Manila mismo nuong 1897. Pagkapatay kay Bonifacio, nang malagas ng mga Español ang mga alalay ng mga principales, walang tinanggap na tulong si Aguinaldo sa mga tao, kahit na sa Cavite mismo, gayung patuloy na lumaban sa Español sina Emilio Jacinto sa Laguna, at si Luciano San Miguel sa Cavite. Kaya napilitan si Aguinaldo na makisukob sa mga sandatahan ni, una, Miguel Malvar ng Batangas at, sunod, kay Mariano Llanera sa Bulacan at Nueva Ecija, bago tuluyang nagpasuhol at nagpatapon mula sa Biac-na-bato.
Lalong pumanglaw ang tingin ng tao sa Himagsikan nang bumalik mula Hongkong si Aguinaldo at itinanghal ang sariling dictador ng Pilipinas sa hayag niya ng pagkapag-sasarili [independence] nuong Junio 12, 1898. Pulos mga don ang sumaksi at lumagda sa pahayag, - ang mga don na kumaladkad sa mga tao na magsilbi para sa mga frayle nang walang bayad, ang mga tumulong magnakaw ng mga lupa at pag-aari ng mga katutubo. Sa pahayag ni Aguinaldo walang pangako gaya ng ginawa ni Bonifacio ng
Hindi man alam ng mga Amerkano na mga principales at mga batakan lamang nila ang 30,000 Pilipinong nakapaligid sa Manila nuong Febrero 4, 1899, madali nilang natuklasan pagkatapos nilang tastasin ang mga ito sa walang puknat na labanan. Walang hukbo sa likuran ng mga sandatahan, walang kakampi ang mga kalaban sa pali-paligid ng Intramuros na madaling nalinis ng mga Amerkano. Pagkatapos, higit pa ang lakad at takbuhan kaysa sa labanan hanggang masakop nila ang Malolos nuong Marso 31, 1899. Sumunod na buwan, 4 araw na naglabanan sa Calumpit, Bulacan, simula nuong Abril 24, 1899. Pagkatalo at pagka-urong ng mga sandatahang Pilipino, wala na kundi katahimikan. Natuklasan ng mga Amerkano na, kahit na sa paligid ng Manila, ang dating pugad ng ngitngit ng Katipunan, walang namuhi sa kanila, walang tumaga sa likod, dumura sa nilakaran, umirap man lamang o kahit nagsalita nang mataras. Nakipagkaibigan sa kanila ang mga pangkaraniwang mamamayan!
Walang paki ang mga timawa kung wakwakin ng mga Amerkano ang sandatahan ng mga principales. Ang tanging naka-antal sa pagsakop ng mga Amerkano sa Luzon ay ang tag-ulan, nang nagputik ang mga lansangan at umapaw ang mga ilog. Nang matapos ang ulan nuong Octobre 1899, sinimulan ng mga Amerkano ang walang
patid na pagsakop at hindi mabilang na pagwasak ng takbo
nang takbong hukbo ng mga naghihimagsik, hanggang napilitan si Aguinaldo nuong Noviembre 1899, pagkaraan ng isang buwan lamang, na tuluyang pagpira-pirasuhin ang nalalabi niyang sandatahan at pagbundoking bilang mga guerrilla na lamang. Nakaabot na sa Bayambang, Pangasinan, nuon ang pagkaripas niya. Tapos, tumakbo uli si Aguinaldo at nakatakas lamang nang nakipaghamok hanggang napatay si Gregorio del Pilar at ang kanyang pangkat sa Lagusang Tirad [Tirad Pass] sa timog ng Candon, Ilocos Sur, nuong Deciembre 2, 1899.
Sumunod na buwan, nuong Enero 15, 1900, muling nakapuslit si Aguinaldo dahil lamang sa pakipagbaka ni Manuel Tinio at ng kanyang pangkat ng mga taga-Nueva Ecija, sa Monte Bimmuaya, Ilocos Sur. Lumusot sa Abra, tuloy sa Cordillera si Aguinaldo at mula nuon, wala nang sapat na kakampi upang makipagsagupaan pa sa humahabol na mga Amerkano, na tinutulungan pa ng ilan daang Pilipino sa pamumuno ni Januario Galut. Sa libu-libong tao na nadaanan ni Aguinaldo, walang nagtanggol sa kanya. Nagtago na lamang ang maliit na pangkat niya sa gubat-gubat ng Isabela.
Ayaw na ng tao kay Aguinaldo.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|