Kabayanan

Kabayanan: Bago Gaya Ng Dati

Seis meses de polvo, seis meses de lodo, seis meses de todo!
Anim na buwang alikabok, anim na buwang putik, lahat na lamang anim na buwan!

- Kasabihan ng Español sa Manila

INIP na inip ang Español sa paulit-ulit at paikot-ikot na buhay ng mga taga-nayon, napapaligiran ng kanilang mga bukid, ng gubat at ilog. Nagsasaka, nangingisda, nangangahoy, nakatalungko kapag bumagyo, nagkukuti-kuti pagka-ani.

Nagtayo ng mga kabayanan [towns].

Sa unang mahigit 100 taon pagsakop ng Español sa kapuluan, maraming baranggay silang pinag-iba, marami ring kabayanan [towns] ang kanilang itinatag sa masugid nilang pagpapalawak ng katoliko. Nuong 1595, nagtayo ang 4 Augustinian, sina frayle Contreras, Tendillo, Caballo at Salazar, ng kubo-kubo sa gubat ng silangang Pampanga, sa tabi ng Sierra Madre, upang mapagpahingahan pag-visita nila sa Cagayan, Isabela, o sa Baler, Tayabas. Dinayo ng mga naninirahan sa malapit ang itinayo nilang simbahan, kumbento at mahabang kalsada at naging kabayanan ng Gapan, lungsod ngayon sa bahaging inihiwalay sa Pampanga at Bulacan at nilikhang lalawigan ng Nueva Ecija. May mga pook silang dinatnan, gaya ng Camalig, sa Bicol, na kumpul-kumpol lamang ng mga kamalig, - kubong imbakan ng palay, - sa gilid-gilid ng bukirin, ni walang pangalan hanggang pagdating ng mga frayle, na umunlad at lumawak at naging baranggay, tapos naging nayon, at ngayon ay isa nang kabayanan.

Pinagkabit-kabit ang mga kabayanan.

Panibagong tatag o nakatayo na’t binago, karaniwang nagtayo ng simbahan at kumbentong tahanan ng frayle sa gitna, kung saan nagbagtas ang 2 o higit pang lansangan, bagtasan na naging gitnaan o plaza ng kabayanan. Sa maraming purok, sila na rin ang nagpalatag ng lansangan at ng mga tulay upang iugnay ang kabayanan sa mga baranggay sa paligid, at sa mga kalapit na kabayanan. Gaya ng ginawa nila sa California at Mexico, nagtayo ang mga frayle ng mga mission o visita na isang maghapong lakbay ang layo sa isa’t isa, nang may napagpahingahan ang mga naglalakbay na frayle o obispo. Ang mission ay simbahan at kumbento sa malalaking kabayanan o nayon; ang visita ay kapilya na may munting kuwarto na maaaring tulugan ng mga naglalakbay na frayle. Simbahan

Ang mga simbahan ay madaling napaligiran ng mga bahay ng mga pinuno at ng mga mayaman sa baranggay at ang plaza ay naging tagpuan ng mga tao, lalo na kung Linggo, nang karaniwang nagdaratingan ang mga naglalako, mga nagsasabong at ng mga nagbabalitaan. Sa mga malapit sa Manila o Cebu, naglipana rin ang mga Intsik na bitbit ang mga bilihin mula sa lungsod o sa China. Nalapit din sa simbahan ang mga nagsusugal at naglalasing, - sa plaza tuwing Linggo ang malakas na lakuan ng tuba at basi. Sa pagpupulong ng kapangyarihan sa plaza, tuluyang napaligid sa simbahan, at sa mga frayle, ang buhay ng mga taga-kabayanan hindi lamang sa pang-araw-araw kundi pati na sa panahon ng panganib o bagyo at baha, nang nagiging likasan ng mga tao, at ligtasan ng palay, ang matatag na simbahan na, sa gawi ng mga Español na dala mula Europa, ay matayog at matatag, gawa sa bato, panlaban sa unos at sa mandarambong. Sa sapilitang pagsimba, madalas na kumpisal, sumbungan, at pag-aaral ng mga santo, nahirati ang mga taong tumingala sa kapangyarihan ng mga frayle.

Naging bukid ang gubat-gubat sa looban ng mga pulo.

Pagkaraan ng mahigit 150 taon ng pagsakop sa Pilipinas, napagbagtas na ng mga tulay at mahabang landasan [highway] ang lahat ng mga baranggay at kabayanan papunta at pagmula sa Manila, Cebu, Nueva Caceres at iba pang lungsod na tirahan ng mga obispo o ng mga provincial na namamahala sa mga frayle. Pati nang mga barrio at sitio ay nalandas at natayuan ng maliliit na dasalan at pahingahan, mga visita, gamit na mga himpilan sa pag-ikot-ikot sa mga paroco. Maaari nang makaluwas mula, halimbawa, Vigan, sa Ilocos, ng ilang araw ng nagka-kalesa, hindi na ng bangka gaya ng dati. Isa’t kalahating araw ng kalesa ang luwas sa Manila ng bagoong mula Pangasinan. Maaari nang maabot at magpalay sa liblib at looban ng mga pulo nang hindi sumusuot sa gubat o lumulusong sa mga ilog at sapa. Napadali ang paglikas ng palay pagka-ani mula sa mga bukid papuntang kumbento sa kabayanan, buwis sa simbahan ang tawag. Ang mga simbahan ay nagbubuwis naman sa mga superior, ang obispo at ang provincial, na nagbubuwis naman sa Manila.

Ang lahat ay ginawa nang walang bayad.

Sapin-saping buwis, pasan-pasan ng mga taga-baranggay. Mabigat na nga, nadadagdagan pa ng paggawa nang walang bayad. Napagkayanan naman at, kahit may pailan-ilang naghimagsik, tahimik na tinanggap ng mga tao sapagkat mahirap din naman ang buhay sa nayon nuong bago pa dumating ang mga Español, at ang mga utos ng frayle ay karagdagan lamang, hindi panibagong pagdurusa ng mga mamamayan. Isa pa, nabalikan ng rangya ang mga tao dahil sa pagpapalawak ng mga bukirin at palayan na naatim sa paglatag ng mga landas at lansangan na inutos ng mga frayle. Maraming baranggay na dati ay nauubusan bago makapag-ani muli ang nakapag-imbak ng sapat na palay upang kapwa mapagyaman ang mga magbubukid at mga maylupa. Nabalikan din ang mga tao sa paglaganap ng katahimikan. Ang pagdami ng palay dati ay anyaya sa panganib, ng pagdambong ng mga palaboy sa gubat at ng mga kalapit ng baranggay. Nasawata ito, pati na ang mga tulisan na matagal nang naglipana sa mga sukal sa pagitan ng mga baranggay at nayon, sa patuloy na paglakbay ng mga frayle, kasama ng mga tanod na sandatahan. Tuba

Naging tagapagsilbi ang mga maharlika.

Ang mga pinuno ng mga tagapulo ay nagbago rin ng mga tungkulin. Hindi na sila kailangang makipagkasunduan ng payapa sa mga katabing baranggay, bihira na sila nagkampihan upang magtanggol laban sa mga mandarambong, maliban sa mga Muslim na naglipana sa dagatan ng timog Visaya at, nuong mga unang taon ng pagsakop ng mga Español, ay nakarating at sumalanta sa mga dalampasigan ng Batangas at Bicol. Sa utos ni Felipe 2, hari ng España, nuong Pebrero 8, 1597, nanatiling pinuno ng mga baranggay ang mga nagpabinyag na katoliko ngunit binago ng mga frayle ang kanilang mga tungkulin. Sa halip na datu o rajah, sila ay naging mga governadorcillo ng mga kabayanan [little governors, town mayors], cabeza de baranggay [village chief] ng mga nayon, at capitan del barrio [barrio captains] ng mga baranggay. Kasama sa mga tungkulin ng bagong maharlika ang

Umabot sa eskandalo ang paghamak sa mga governadorcillo hanggang ipag-utos ng governador general, si Pedro Manuel de Arandia, sa lahat ng alcalde mayor, pinuno ng mga lalawigan, na igalang ang mga governadorcillo at pigilin ang paglapastangan sa kanila ng mga frayle - sinasampal at sinisigawan sa harap ng mga tao, utus-utusan at pinapag-waiter pa kapag may handaan sa kumbento.

Hintay muna: Wala bang lumaban? Tinanggap na lang ba ang pag-utos ng mga frayle? Bakit? Highway

Panguna ang mga manganito at iba pang babaing pari, pinaratangan ng mga frayle na mga mangkukulam at mga alagad ng demonyo, sa pagtakas sa mga liblib ng Pangasinan at iba pang lalawigan, gaya ng mga Itaves sa Cagayan at mga Bukidnon sa Mindanao. Nag-aklas ang mga Waray-waray, pinamunuan ni Sumuroy, sa Palapag, Samar nuong 1649-1650, nang pilitin silang gumawa ng mga barko para sa galleon trade nang walang bayad. Karamihan ng mga lumaban ay nasa Mindanao, at marami sa kanila ang mga lumaban din sa paglawak ng Islam. Sa Surigao, nuong 1623 hanggang 1631, 6 frayleng Augustinian at Recollect ang pinatay ng mga Manobo. Sa Dapitan, Zamboanga, biniyak ng isang babae, nabinyagan sa pangalang Huana ang ulo ni Francesco Pelliola, frayleng Jesuit na pumilit sa mga tagaruon na magsimba nuong 1650. Nuong taon ding iyon, at sa Zamboanga din, pinatay ng mga Subanon si frayle Juan del Campo at ang kasamang 5 sundalong Kapampangan nang utusan silang magtayo ng simbahan sa Siocon. May pinatay ding frayleng Recollect sa Linao, Agusan.

Mga Muslim ang matibay na lumaban sa mga Español sa Mindanao, pinakamasidhi sa pamumuno ni Sultan Kudarat ng mga Maguindanao sa Cotabato nuong 1663, nang napalayas nila ang mga Español sa buong Mindanao nang mahigit 50 taon. Ang kaso, mga Muslim din ang naging isang dahilan ng pagkampi sa mga frayle ng mga Tagalog at mga Visaya na patuloy na dinukot at ipinagbili ng mga Muslim bilang mga alipin, kahit na nang sakop na ng mga Español. Mahigit 100 tao ang dinukot mula sa Odiongan, Romblon sa minsang dambong. Sa Mindoro, 150 taga-Bongabon, Bulalacao at Manao ang dinukot at inalipin. Mahigit 600 tao ang nawala sa Kalibo mula nuong 1750 hanggang 1757. Sa pulo ng Siargao, malapit sa Surigao, naubos ang mga sakop ng Español sa pagpatay at pagdukot ng bandang 1,500 tao; sa Butuan, 300 tao; sa Caraga, abot sa 2,000 binyagan ang nasalanta.

Minumungkahi sa kasalukuyan na ang pagdambong ng mga binyagan ay ganti lamang sa paglusob ng mga katoliko sa Mindanao at Sulu, at bahagi ng pakikibaka ng mga Muslim na manatiling malaya. May katwiran ang mungkahi, libu-libong Kapampangan, Tagalog at Sugbuanon [Cebuanos] ang kasama ng mga Español na lumusob sa Mindanao at Sulu, ngunit

at mawawari na ang pang-aalipin ng mga Muslim ay walang kinalaman sa Islam o sa kalayaan, o sa paglusob ng mga Español.

Bawal na ang mag-alipin.

Ninais ng mga unang pinuno at alagad ng hari na panatiliin ang pag-aalipin upang magsilbi sa mga Español ngunit sinalungat sila ng mga frayle na nagpatigil ng pag-alipin, pinakawalan ang mga alipin sa bawat baranggay at nayon. Masasabing ang pilit na paggawa ng mga simbahan, kumbento at iba pa nang walang bayad ay isang uri ng pang-aalipin, ngunit ilang linggo lamang tuwing santaon nagbanat ng buto para sa mga frayle. Ligtas na ang mga tao sa araw-at-gabi, habang-buhay na pagsunod sa mga panginoon, hindi na sila ipinagbili, pati nang mga pamilya nila. Banat pa rin ang katawan sa pagsisilbi, hampas-lupa pa rin, naging malaya naman ang libu-libong tagapulo, kahit na sa gaanong kaliit na paraan. Sisimba

Nagka-anak ang mga frayle.

Maraming frayle ang sumiping sa mga babae at naging pangkaraniwan sa iba’t ibang kabayanan sa Pilipinas ang paglipana ng mga mayaman at makapangyarihang anak pari. Inihayag ni Felix Renouard de St. Croix nuong 1810 na ang frayle sa Pilipinas ay “pinagsisilbihan” ng mga dalaga, at may isang frayleng Franciscan sa tabi ng Lawa ng Bay [Laguna de Bay] na may 20 babae, at laging may 2 katabi kahit saan o ano ang gawin.

Naglaho ang mga sulat at kasaysayan.

Isa pang pagbabago ng mga frayle ay ang pagpigil ng malaganap na pagsulat at pagbasa ng mga katutubo na, kunwari ay pagpigil ng mga gawing hindi katoliko [ilang ulit pinairal ang inquisition mula España] ngunit katunayan ay pakana nila upang gawin, at panatiliing mangmang at masunurin ang mga tao. Bagaman at napalawak ang ugnayan ng mga mamamayan sa pagdami ng mga kabayanan at mga lansangan, nauntal ang pag-unlad ng mga katha, naiwan na lamang sa awit at lihim na panaghoy ng mga catalonan, babaylan at iba pang nanalangin, ang mga katutubong gawi [traditions] ng mga tagapulo. Ito ring pagbura ng mga lumang sulat ng mga ninuno ang pinararatangan ngayon na sanhi ng paglaho ng mga kasaysayan ng mga tagapulo, ang kanilang pinagmulan, ang kanilang paglalakbay at pagtatag ng mga baranggay, mga ulat na butil-butil lamang na nakarating sa kasalukuyan mula sa alaala ng mga matatanda.

Ang mga bathala ay naging Diyos.

Ang mga anyito ay naging mga santo, ang mga rosaryo at istampita ang naging anting-anting, ang mga panaghoy ay naging dasal sa Latin. Ang pinakamalaking pagbabago gaya ng dati na tinangkilik ng mga frayle ay ang pagbuklod sa simbahan ng mga lumang gawi ng mga tao. Kaakit-akit ang makukulay na mga estatwa ng mga santo na ikinalat sa mga simbahan at pinasan, hinatak sa procession paligid sa baranggay at kabayanan. May mukha na ang mga espiritu na namamasid ng tao habang nananawagan. Higit na kapansin-pansin ang mga sutana at vestido ng mga frayle sa misa kaysa sa mga putong, bahag at tapis ng mga dating nanalangin sa mga baranggay. Pati ang dahas at paglaot ng mga magiting na tagapulo ay tinalo ng magimbal na buhay at madugong kamatayan ng mga santo at ni Jesus Christ. Virgen

Madali at masiglang pinalitan ng mga tao ang mga panaghoy ng panalangin at pabasa ng pasyon. Ang pagdiriwang at kainan sa panahon ng pagtanim at pag-ani ng mga magsasaka ay pinalitan ng fiesta at Pasko, ang panawagan ay nadagdagan ng panata at novena. Ang takot sa sumpunging kapalaran ay napaamo ng mga mahiwagang kataga ng hindi nauunawaang Latin na limbag sa misal ng mga dasal, na maagap na ginamit ng mga tao na sagisag laban sa panganib at malas.

Higit sa lahat, nagka-Virgen.

Sa mga taong naniwala nang libu-libong taon sa mga paring babae na may “galing,” sa mga taong matimtimang umasa nang walang hangga sa mga diwa ng kalawakan, ang pagdating ng isang babaing naging diyosa, ng ina ng maawain at mapagmalasakit na diyos, ay mistulang himala. Walang laban ang mga catalonan at mga babaylan.

Sa Pakil, Laguna, umindayog ang Virgen.

Kapuna-puna ang halimbawa ng pagbuklod ng pagano at katoliko na nagsimula isang Biyernes sa gitna ng Lawa ng Bay [Laguna de Bay] nang malambat ng mga mangingisda ang larawan ng Mahal na Virgeng Maria. Nang magsagwan ang mga mangingisda papunta sa ibang baranggay, hindi nila napausad ang bangka nang ilang araw. Nuon lamang bumaling sila sa Pakil sumimoy ang hangin at nadala sila sa pampang at sa daan-daang taong naghintay sa kanilang pagbalik, at sa pagdating ng Mahal na Virgen. Araw ng Linggo na, Septiembre 15, 1788, umaawit at pasayaw-sayaw pagkadaong ng bangka, nang ihinatid ng buong baranggay ang larawan sa simbahan ng San Pedro de Alcantara ng mga frayleng Augustinian. Simula nuon, libu-libong tao ang naglakbay upang sumaliw sa turumba pagkatapos ng novena na tinawag na lupi, pagtupad ng mga panata at panawagan ng tulong mula langit:

Turumba! Turumba sa Virgen!

 
 Pabalik sa nakaraan    Ang Mga Pilas   Tahanan Ng Mga Kasaysayan    Ulitin ito    Ipagpatuloy sa susunod