Gloria Macapagal Arroyo: EDSA 2, EDSA 3...
Ngunit ako ang Pangulo ng EDSA dos at EDSA tres...
kaya ako narito, unang-unang humihingi ng tulong n’yo
- Gloria Macapagal Arroyo, sa harap ng Kabataang Makabayan
PINAKABANTOG na Pangalawa [vice president], 13 milyong boto ang tinanggap ni Gloria Macapagal Arroyo nuong halalan ng 1998, nang nahalal na pangulo si Joseph Estrada. Ipinanganak kina dating Pangulo Diosdado Macapagal ng Lubao, Pampanga, at Dr. Evangelina Macaraeg ng Binalonan, Pangasinan, nuong Abril 5, 1947, lumaking sanay sa politica si Gloria. Nanalo siyang senador sa kanyang unang pagkandidato nuong 1992 at tumanggap ng 16 milyong boto nang nahalal muling senador nuong 1995.
Nuong pang-2 pagsi-senador unang naungkat ang pagkandidato niya sa pagka-pangulo ng Pilipinas. Sa pag-usisa ng Asia Research Organization [Gallup] nuong Mayo, 1996, natantiya na tatalunin siya ni Estrada, Pangalawa nuon ni Pangulo Fidel Ramos, sa napipintong halalan ng 1998 kung tatakbo rin sina Senador Miriam Defensor Santiago at Senador Edgardo Angara. Sa usisa ring iyon, lumitaw na tatalunin ni Gloria si Estrada, kung hindi tatakbo sina Defensor at Angara.
Nakatutukso, at maaaring nasa isip ni Gloria sa tanang pagkandidato at pagkahalal niya bilang Pangalawa nuong 1998 nang naging pangulo si Estrada, sa tanang panunungkulan niya bilang kalihim ng Social Welfare and Development sa pamahalaan ni Estrada, sa tanang pagbitiw niya ng tungkulin nuong Oktobre 12, 2000 at pagsama sa opposition sa kalampagan ng EDSA 2 nuong Enero 2001.
Mano-mano, kaya niyang talunin si Estrada.
May mga ulat na nagsamantala lamang si Gloria at sumabit-sabit lamang kina Cory Aquino, Fidel Ramos at Cardinal Jaime Sin upang mapansin bilang pampalit kay Estrada. Totoong hindi lubhang sumikat si Gloria nuong mga unang araw ng kalampagan muli sa dambana ng EDSA 2. Ang mga bantog nuon, maliban kina Aquino, Ramos at Sin, ay sina Hilario Davilde, punong hukom ng Philippine Supreme Court, si Joker Arroyo , kinatawan ng Batasang Bayan, at si Senador ‘Nene’ Aquilino Pimentel Jr., ang mga umusig kay Estrada sa paglilitis sa Senado [impeachment]. Ngunit maaaring nagkubli lamang si Gloria nuong mga unang araw, kaunting delicadeza, sapagkat may mga ibang ulat na si Gloria ang nagbuo ng pangkat-pangkat na lumaban kay Estrada sa EDSA 2. Mga ulat na higit kapani-paniwala, batay sa mga pangyayari nuong mga huling araw nito, nang si Gloria na ang nagmando sa mga parit-paritong pinuno ng mga nananawagan, sa mga taga-media na naghayag ng mga nangyayari, sa mga sugong nakipagtawaran kina Estrada sa Malacanang. Siya ang nakipagkasunduan sa mga pinuno ng hukbong sandatahan [Philippine armed forces], ang huling tumiwalag na siyang nagpabagsak sa pamahalaan ni Estrada. Siya ang nagpasiya kung kailan ihaharap kay Estrada ang sulat ng pagbibitiw na isinulat para sa kanya ng opposition.
Kung siya nga ang pinuno, o kahit isa lamang sa mga utak ng EDSA 2, dapat kilalanin na taginting siya sa politica, dapat magpugay sa husay niya sa pamamahala ng mga pangyayari. Dapat ding aminin, kung gayon nga, na matagal pa bago nangyari ang EDSA 2, matagal pa bago unang nagsumbong si Governador Luis Singson ng Ilocos Sur, marami nang kinausap si Gloria tungkol sa pagtanggal kay Estrada. Suriin, sa pag-antal ng paglilitis sa Senado, nawalan ng pagkakataon si Estrada na ipagtanggol ang sarili sa hukuman ng madla. At sa ingay ng EDSA 2, hindi rin nagkaroon ng pagkakataon na sumalungat ang mga tao sa kabilang panig, ang mga hampas-lupang tumangkilik kay Estrada sa kabila ng lahat nang nasabi at paratang sa kanya. Napakalinis ang pagpapaalis, napakawalang pigil ang sunud-sunod na tiwalag, napakaganap ang pagkatalo ni Estrada, napiit pa at nililitis muli, upang mapaniwalaan na ang lahat ay basta nangyari lamang o pinamahalaan ng marami.
Totoo o hindi, mano-mano, kaya niyang talunin si Estrada.
Nanaig man si Gloria, hindi rin naalis sa pagtatangi ng mga mahirap si Estrada, at makapangyarihan pa ang mga kakampi ni Estrada sa politica. Samantala, ang mga pangkat na nagkampihan sa EDSA 2 ay matamlay sa pagtangkilik kay Gloria, marami pa ang nagtampo nang, sa halip na maglinis sa pamahalaan, ibinalik niya sa kapangyarihan ang mga dating pinuno, waring bayad sa pagtulong sa pagtiwalag kay Estrada. Sa magkatuwang na mga dahilang ito, ang dapat asahang mangyari ay nangyari, nuong Abril 24, 2001, wala pang 100 araw pangulo si Gloria, nang dakpin si Estrada sa paratang ng pagdambong sa yaman ng bayan.
Naghimagsik kinabukasan ang mga dukha ng Manila. Inaapi si Erap! Bagsak na, sinisipa pa!
Hindi na matiyak ngayon kung nauna ang mga kusang lumusong sa dambana ng EDSA upang umatungal o sumunod lamang sila sa mga inarkila ng mga alalay ni Estrada upang maghiyawan duon. Kahit sino ang nauna, kumapal ang mga tao sa EDSA at simbilis ng kidlat na sumali ang mga kalaban at mga napag-iwanan ng bagong pamahalaan ni Gloria. Nang nagpatuloy sa mga sunod na araw ang paghakot ng mga arkilado, ang paglusong nang kusa ng mga tao, ang pagsaliw ng mga naunsiyaming politico, nabuo, habang tanaw ng media na naghayag ng mga panawagan at atungal, ang kinatakutan ng dating Pangulo Cory Aquino, ang EDSA 3.
Binale wala nuong una ng simbahang katoliko at ng mga pinuno at madla ng EDSA 1 at EDSA 2 ang mga naganap nuong Abril 25 - Abril 30, 2001, sa akalang matitigil kapag naubusan ang mga galamay ni Estrada ng salaping pang-arkila ng mga hinahakot na tao, ngunit nuong Mayo 1, 2001, sa udyok ng 2 senador, si Juan Ponce Enrile at si Miriam Defensor Santiago, lumusob ang ilang libong tao mula sa EDSA papuntang Malacanang. Kalahating araw nagsira ng mga nadaanang ari-arian, nanggulo sa mga lansangan, ginulpi ang mga taga-media na sumubaybay sa kaguluhan. Nayanig ang Metro Manila, iba nang mukha ang namasdan. Hindi na panggugulo na lamang ng mga arkilado, hindi na basta-basta agawan sa kapangyarihan ni Gloria at ni Estrada.
Ito na ba ang aklasan ng mga mahirap, ang sukdulang haribas ng poot sa pagiging aba sa lipunan, sa kawalang pag-asa sa kinabukasan.
Kalahating araw na lumaganap ang sindak sa mga nagkubli sa loob ng kanilang mga bahay, baka masunog ang lungsod, ang kanilang mga tahanan, baka maglaho ang kanilang trabaho, nang bigla at maganang sinagupa ng mga pulis at sundalo ang mga nanggulo, sinupil at pinatigil, pinaurong mula Mendiola at pinakalat pauwi. Walang napala ang mga dukha, nakapiit pa rin at inuusig si Estrada, ngunit nabalik ang katahimikan sa Metro Manila at naghari muli ang kalagayang gaya-nang-dati-walang-nangyayari dahil maagap na sinapo ni Gloria ang kanyang pamahalaan. Ipinadakip niya ang mga politico na matagal nang lumalabag sa batas. Inutos niya sa Kagawaran ng Paggawa at Lingkuran [DOLE, Department of Labor ang Employment] na ipagbawal na ang pag-arkila ng mga casual worker nang matigil ang pagsasamantala sa mga maghahanap-buhay at mawasto na ang kanilang sahod. Ipinangako rin ni Gloria na itutulak niya ang pag-sasaayos ng mga sakahan [land reform] pati na ang mga hacienda ng pamilya niya. Sa sunud-sunod na sigasig, maiglap na nakamit ni Gloria ang tiwala ng tao sa kanyang pamumuno sa pamahalaan ng bayan. Marami ang nagulat, sapagkat ilan-ilan lamang ang nakakaalam na dapat asahan ang mga nangyari, na likas ang kanyang kakayahan. Siya man o hindi ang namahala sa pagpabagsak kay Estrada nuong EDSA 2, tiyak naman na siya ang nagwagi sa EDSA 3.
Ngayon, sana naman wala nang EDSA 4...
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|