‘Hell Run By Filipinos’
Nanaisin ko pa sa infierno na palakad ng Pilipino kaysa sa langit sa ilalim ng Amerkano!
-- Manuel Luis Quezon
IKINULONG si Manuel Quezon dahil sa pagpatay sa sumukong sundalong Amerkano nuong digmaan ng Pilipino laban sa pagsakop ng America. Laban si Quezon sa Katipunan, hindi niya pinansin ang Himagsikan nuong 1896 at nagpatuloy sa pag-aaral ng abogasya. Ngunit tumigil siya at sumanib sa hukbong Pilipino nuong 1899 upang labanan ang pagsakop ng mga Amerkano. Mapusok si Quezon, anak ng mestizong Español na dating sundalo ng sandatahang Español, si Lucio Quezon, at ng mestiza ring Maria Dolores Molina ng Baler, Tayabas [lalawigan ng Quezon ngayon]. Gaya ng libu-libong sandatahang Pilipino, nahuli si Quezon ng mga Amerkano at napiit sa paratang na pagpatay. Pagkaraan ng 6 buwan, pinawalan din siya dahil sa kawalan ng sapat na katibayan laban sa kanya, at nagbalik si Quezon sa Universidad de Santo Tomas at nagtapos, naging abogado. Naging fiscal sa Mindoro, bago naging governador sa Tayabas nuong 1905.
Naging governador din ang ka-eskuwela ni Quezon sa paaralan ng abogasya sa UST, si Sergio Osmena, sa lalawigan ng Cebu pagkatapos nilang magtapos magkasabay nuong 1903. Magkasabay din silang tumigil sa pag-aaral at sumapi sa hukbong Pilipino upang labanan ang mga Amerkano. Hindi rin sumapi si Osmena sa Katipunan at nagtayo na lamang ng pahayagan, ang El Nuevo Dia [The New Day, o Ang Bagong Araw], sa paniwalang mapagbubuti ang bayan sa mapayapang paraan, gaya ng paniwala ni Jose Rizal. Bagaman at sumama siya sa paglaban sa Amerkano, labag sa kalooban ni Osmena ang gumamit ng dahas kaya naging mensahero na lamang siya sa himpilan ni Emilio Aguinaldo.
Halos magkasing-edad sila ni Quezon, bata lamang ng isang buwan si Osmena nang ipanganak nuong Septiembre 9, 1878, sa Cebu sa mestizong pamilya rin. Naging magkaibigan silang dalawa at, dahil kapwa mahilig sa umaalsang politica nuon, naging matalik na magkakampi. Si Osmena, katulong si Quezon, ang nagtatag ng Partido Nacionalista nuong 1906, at nagbuklod sa mga principalia na nagsusumigi nuong magkatungkulan sa pamahalaang binubuo sa ilalim ng mga Amerkano. Kapwa rin silang nahalal sa Philippine Assembly nuong 1907 at dahil sa pumumuno nila sa Partido Nacionalista ay naging makapangyarihan duon. Naging sugo ng Pilipinas sa America si Quezon bilang resident commissioner mula nuong 1909, habang pinuno naman si Osmena ng Partido.
Nuong 1904, nagsisimula pa lamang sina Quezon at Osmena sa pagiging abogado nang makilala nila ang batang tenyente, si Douglas MacArthur, anak ni General Arthur MacArthur, dating governador ng Pilipinas. Katatapos din ni MacArthur nuon sa West Point at kadi-destino pa lamang sa Pilipinas nang magkita sila sa US Army-Navy Club at nagsimula ang kanilang pagiging magkaibigang matalik sa tanang buhay nilang tatlo, pagkakaibigan nakapaghugis ng kasaysayan ng Pilipinas sapagkat hindi nagtagal, silang 3 ay naging pinuno ng bayan nang mahirang si MacArthur na pinuno ng Philippine Department ng sandatahan ng America.
Nagtagumpay ang 7 taong kampanya ni Quezon sa Washington DC nang ipasa ng batasan ng America [US Congress] ang Jones Law nuong 1916, na nagtatag ng Senado ng Pilipinas upang palitan ang Philippine Commission bilang pangunang bahagi ng Batasang Pilipinas [Philippine Congress] samantalang ang Philippine Assembly ang naging pang-2 bahagi ng Batasang Pilipinas, sa bagong pangalang House of Representatives [Pulungan ng mga Kinatawan]. Mabilis na nagbalik si Quezon at nahalal na senador, at nahirang na pinuno ng Senado habang si Osmena ang naging pinuno naman ng House of Representatives bilang Speaker, hanggang siya man ay nahalal na senador nuong 1922.
Sa wakas, nagbunga ang pag-amuki ng mga Pilipino nang ipasa ng US Congress nuong 1934 ang Tydings McDuffie Act, nagbigay ng kalayaan sa Pilipinas sa loob ng 10 taon, at bilang paghanda, nagtatag ng pamahalaang Commonwealth. Nanalo sa halalan nuong 1935 ang magkatuwang na Quezon at Osmena, tinalo sina Emilio Aguinaldo at Gregorio Aglipay. Naging unang pangulo ng Commonwealth si Quezon at Pangalawa [vice president] si Osmena. Nuong 1929, hiniling nilang 2 sa Washington DC na maging governador ng Pilipinas ang kaibigan nilang Douglas MacArthur, kapalit ni Henry Stimson na pabalik na sa America, ngunit sa halip, ginawang pinuno ng Hukbong America [US Army chief of staff] si MacArthur nuong 1930. Nang matapos siya ng tungkulin nuong 1935, hinirang siya nina Quezon at Osmena upang bumuo ng sandatahan ng Pilipinas [Philippine armed forces] sa harap ng lumalaking panganib ng digmaan laban sa Hapon. Silang 3 magkaibigan muli ang namuno sa Pilipinas mula nuon, maliban sa pagka-asaran nila nuong 1938 nang natanto ni Quezon na walang sapat na panahon si MacArthur upang makapagbuo ng hukbo. Lihim siyang tumalilis sa Tokyo, Japan, upang makiusap na huwag isangkot ang Pilipinas sa darating na sagupaan ng Japan at America. Hindi siya pinansin ng mga Hapon at, pagbalik sa Manila, nakipagkasundo muli kina MacArthur at Osmena upang madaliin ang pagbuo ng sandatahan. Ang America man ay nakadama ng papalapit na paglusob ng Japan, at ibinalik sa tungkulin si MacArthur bilang puno ng USAFFE [US Armed Forces Far East] nuong 1941. Iyong taon din, hahalal muli sina Quezon at Osmena bilang pangulo at pangalawa ng Commonwealth, at silang 3 ang nag-abang sa pagdating ng mga kaaway.
Nagwala Ang Mga Timawa
SAMANTALA, malaking bahagi ng kasaysayan ng bayan ang matamang hindi pinansin ng mga namumuno at may katungkulan sa pamahalaan, maliban sa mga sundalo at PC [Philippine Constabulary] na sumusupil sa mga tao. Kasabay ng sigla sa napipintong kalayaan ng Pilipinas at patuloy na paglaki ng pamahalaan, - isang katutak na mga tungkulin ang pinag-agawan ng mga maykaya at mga maykapit, - lumawak ang sama ng loob ng karamihang mamamayan, ang mga hampas-lupa [tillers of the earth] ng Luzon at Visayas, na naiwang walang muwang sa bukid sa paglikas ng mga principalia sa Manila at iba pang lungsod na naging pugad ng pagpapayaman. Pinaratangan sila ng mga dukha ng pagpapabaya, ng kawalang utang na loob: Nilakihan na nga ang hamig sa ani at niliitan ang bahagi ng mga magbubukid, kinalimutan pa nila ang dati-rating pagkalinga sa kapakanan ng mga tagabukid at mga pamilya nila kapag nagkasakit o nangailangan.
Lubhang abala ang mga bagong taga-Manila sa agawan ng mga tungkulin at biyaya sa bagong Commonwealth upang pag-ukulan ng pansin ang panaghoy ng mga walang-kaya. Sa ganitong malawak at walang patumanggang pagtengang-kawali, nabuhay at lumago ang mga sapian ng mga hampas-lupa, lalo na sa Manila at Gitnaang Luzon, simula nuong 1920 nang magtayo ng kanilang sapian ang mga Socialista sa Pampanga. Hindi nasaway ng pagsakop ng Amerkano ang gawing mag-aklas ng mga taga-lalawigan. Ang mga Colorum, anak-anakan ng nalipol na Confradia de San Jose ni Apolinario dela Cruz, ay dumanak sa iba’t ibang pook sa kapuluan at nuong 1920 ay naging karibal na ng simbahang catholico at ng Iglesia Filipina Independiente [Independent Philippine Church] ni Gregorio Aglipay. Isang pangkat ng mga Colorum ang nag-aklas nuong 1924 sa Mindanao sa paniwalang malapit na ang katapusan ng mundo. Hindi natapos ang mundo, natapos ang kanilang aklasan.
Nuong 1925, ang may-ari ng isang tindahan sa pulo ng Panay ay naghayag na siya si Florencio 1, Emperador ng Pilipinas. Kumandidato sa pagka-governador ng Iloilo si Florencio Entrencherado ang tindero-emperador, at kumampanya na babawasan niya ang buwis, palalayasin ang mga nagkakalakal na Intsik at Hapon, at palalayain agad-agad ang Pilipinas. O ang Iloilo, kung alin man. Kahit natalo, sikat naman siya sa buong Visayas at naging pambato ng mga hampas-lupa [farm workers] ng mga asukalan sa mga pulo ng Panay at Negros dahil, sabi niya, may galing siya at napagbabago niya ang panahon, galing na inilaan sa kanya ng Espiritu Santo at ng mga kaluluwa ni Padre Burgos at ni Jose Rizal. Nuong Mayo 1927, sumugod ang 10,000 sumasampalataya sa pahayag niyang ‘dumating na ang oras ng pagpatay sa mga mayaman ng mga mahirap.’ Natalo uli si Florencio 1.
Sa Gitnaang Luzon [Central Luzon] lubhang nag-init dahil sa kapal ng tao. Isa pang pangkat ng mga Colorum ang nag-aklas nuong 1931 sa Tayug, Pangasinan, sa pamumuno ni Pedro Calosa, dahil sa paghihirap ng mga magbubukid at mga kasama sa mga hacienda duon. Bandang panahon na ito unang natuklas ang pakikialam ng mga Hapon sa politica sa Pilipinas. May ilang espiya at alagad mula sa 16,000 Hapon na nagkalakal nuon sa Davao - ang "munting Tokyo sa Mindanao", ang tukso nuon - at ilang libo ring naglalako sa Manila, ang umaligid sa Luzon at nagsulsol sa mga nag-aklas na maging kaibigan ng mga Hapon. Isa sa mga naudyukan ay si Pedro Kabola, ang nagtatag nuong 1925 ng Kapisanang Makabola Makasinag [Eminent Pro-Kabola Society], ang lihim na magpalayang lipunan gaya ng Katipunan at nagkaroon ng mga 12,000 kasapi sa mga aping magbubukid at kasama sa Nueva Ecija. Panawagan ni Kabola na magiging malaya ang Pilipinas at tutulungan ng mga Hapon, ngunit walang tulong na dumating at walang kalayaang nakamit.
Hintay muna: Bakit aklasan nang aklasan? Malapit nang lumaya ang Pilipinas, panay pa ang himagsikan laban sa pamahalaan, eh, pamahalaang Pilipino na. Bakit?
Marami sa mga nanungkulan sa itinayong pamahalaan nuong panahon ng Amerkano ay nakisali sa mga mayaman, o sila mismo ang nagkusa, upang palitan nila ang mga napalayas na Español na nag-ari ng malalaking lupain at mga hacienda sa Pilipinas. Kaya ang mga principalia nuong panahon ng Español ang naging mga hacienderos nuong panahon ng Amerkano. Kahit ang mga lupain ng mga frayle [friar lands] na binili ni Governor Taft sa Roma, karamihan ay nabili ng mga mayaman, walang napunta sa mga nagsasaka. Sinuhulan o kasapakat ang mga namamahalang Pilipino, na wala ring balak tumulong sa mga tagabukid o mga hampas-lupa [farmers]. Lalo lamang nabaon sa utang ang mga pobre.
Tantiya nuong 1941 na 4 sa bawat 5 magsasaka ay walang pag-aari at kasama o sacada lamang sa buong kalawakan ng Luzon, - Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Bataan, Bulacan, Cavite at Laguna. Wala silang pag-asang makaahon sa pautang ng mga mayaman kahit gaanong kalaki ang kanilang anihin, kahit gaano kasikap sila magsaka. Kahit ano ang kitain, kalakihan ay napunta bilang upa sa mga may-ari ng bukid, at pambayad sa nagpautang ng binhing palay. Ang nalabi sa magsasaka nuon ay karaniwang 120 piso na lamang, katumbas sa 3,250 piso ngayon, na kita sa isang taon. Napagbuti ang pag-aaral, pagamutan at lakbayan sa Pilipinas hanggang nuong 1941, ngunit saliwa ang bahagian ng kita, yumaman lalo ang mga mayaman, naghihirap lalo ang mga mahirap. At ayaw tumulong ang pamahalaan.
Ang mga Pilipinong nasa pamahalaan nuon ay matiyaga at walang pagmaliw na nagsikap huwag mabago ang palakad sa bayan. Ang nais lamang ay sila, sa halip ng mga Español o mga Amerkano, ang mag-ari at maghari sa lahat ng lupa at kayamanan. Sa kawalang pag-asa ng mga hampas-lupa [tillers of the earth], ang nababalingan lamang nila ay ang sapian ng mga katulad nilang dukha na pinamumunuan ng
Hintay muna uli: Hindi ba ipinangako ni Quezon at ni Osmena na pagbubutihin ang bayan? Hindi ba si Quezon ang nagpalawak ng social amelioration sa Pilipinas?
Maganda ang mga pangako ngunit naging salitang politico lamang nang hindi natupad ang hinayag na social justice program ni Quezon, pati na ang batas na 70 porsiyento ang bahagi ng mga magsasaka sa ani, hindi 50 - 50 na karaniwang gawa nuon sa Gitnaang Luzon. Nakasakit pa ang batas, ang 1933 Rice Share Tenancy Act, dahil nagpilit ang mga tagabukid na tuparin ang batas nuong 1939 at 1940. Sa halip, libu-libo sa kanila ang pinalayas ng mga haciendero at mga cacique.
Ang pangakong kalayaan ng bayan pasimula nuon pang halalan ng 1907, sa akala ng mga tao ay pagtigil sa pagkaapi nila at pagbalik ng pagkalinga sa kanila na dating gawa ng mga pinuno ng mga baranggay at kabayanan. Ngunit ang kalayaan, sa mga pinuno, ay ang pagyaman o paglaki ng kayamanan nila, sa hindi-nagbagong palakad sa bayan. Sa madaling sabi, ang mga api ay patuloy na naapi. Pilipino nga lamang ang umapi sa kanila, hindi na mga Español.
Si Quezon at Osmena, salungat sa mga pangako nila, ay takot tulungan ang mga hampas-lupa [tillers of the earth] sapagkat nais nilang manatiling pinuno ng bayan. Nuong unang halalan sa Pilipinas nuong 1907 para sa unang Philippine Assembly, ang mga pinayagang lamang bumuto ay ang mga may-ari ng lupa, hindi nakasali ang mga magsasaka at mga manggagawa, karamihan sa mga tao nuon sa Pilipinas. Sa mga sumunod na halalan, ganuon din ang nangyari dahil ginamit ng mga maylupa at mayaman ang kanilang kapangyarihan upang suhulan o pilitin ang mga tao na ihalal sila, gaya ng nangyayari sa mga halalan ngayon. Kaya magkaiba ang pangako nina Quezon at Osmena sa mga tao, kaiba ang pangako sa mga nasa Assembly at nasa pamahalaan. At ang mga pangako nila sa mga politico ang sinunod nila; kung hindi, tiyak na itinawalag sila ng mga iyon mula sa kanilang pamumuno sa pamahalaan.
Nuong 1931 sa Gitnaang Luzon at sa paligid ng Manila, nabuo ang Kapatirang Tanggulan ng Malayang Mamamayan [Free Citizens Defense Brotherhood]. Sa sumunod na taon, sa Pampanga naman, binuo ang Philippine Socialist Party. Umabot nang 40,000 ang mga kasapi sa Tanggulan ngunit natakpan ng higit na malaki at magilas na kilusan nuong 1933 ng mga Sakdalista. Itinatag ni Benigno Ramos, dating kasapi ng Nacionalista Party, matapos makaaway ang kaibigang Manuel Quezon dahil kampi si Quezon sa mga haciendero at sa mga Amerkano. Collaborator ang paratang ng mga Sakdalista [The Accusers] sa mga kampi sa Amerkano; nagtakbo sila ng mga kandidato sa halalan nuong 1934 sa kampanyang lubusang kalayaan sa 1935, pagsupil sa mga cacique, pagbabahagi ng mga hacienda upang ipamudmod sa mga magsasaka [ito ang mga hangarin ng Katipunan, wala lamang ang pagpapalayas sa mga frayle]. Nanalo ang ilang Sakdalista sa halalan at naupo sa Philippine Assembly at mga katungkulan sa mga lalawigan, at lumago ang partido hanggang umabot ng 200,000 ang mga kasapi nuong 1935. Ngunit nawalan sila ng hunos-dili nang magkaroon ng tag-tuyot [drought] sa Luzon nuong taong iyon at walang ginawa ang pamahalaan upang tulungan ang nagdarahop nilang mga kasapi. Nilusob at sinakop nila ang ilang himpilan ng pamahalaan nuong Mayo 2, 1935, at nakipagbarilan kinabukasan sa Philippine Constabulary. Nagapi, 100 ang napatay sa kanila. Tumakas si Ramos at nagtago sa Japan - isa pang pahiwatig na 6 taon bago nagsimula ang Pang-2 Digmaan ng Daigdig [World War II] pumuwesto na ang mga Hapon sa Pilipinas.
Nakasisindak man ang mga maka-Hapong Sakdalista, mapanganib din ang pagtatag nuong Mayo 1924 ng KPMP o Kapisanang Pambansa ng mga Magbubukid sa Pilipinas [National Peasants Party], sa pasimuno ng comunistang Amerkano, si Harrison George, kasapakat ang mga Pilipinong Isabelo de los Reyes, Crisanto Evangelista, Dominador Gomez at Antonio Ora. Mapanganib dahil, mula sa Nueva Ecija, pugad ng ngalit at dahas ng mga magsasaka, animo’y bagyong umunos sa buong Gitnaang Luzon at sa Manila ang KPMP sa loob ng ilang taon lamang. Ito ang unang mando sa sunud-sunod na girian ng mga kasapi at ng pamahalaan mula nuon. Umabot sa 60,000 ang sumanib sa KPMP, kaya isinunod ang pang-2 mando nuong Agosto 26, 1930, nang itatag ni Evangelista ang PKP o Partido comunista ng Pilipinas [Communist Party of the Philippines] upang
Nabagabag ang pamahalaan at simbahang catholico at, kontra-mando nuong 1932, ipinagbawal ng Supreme Court ng Pilipinas ang PKP at ipiniit si Evangelista at ang kaniyang mga alalay. Nag-aklas ang mga kasapi ng PKP at, mando uli, nagsimula ang pagsunog ng mga bukirin, pagkatay sa mga kalabaw at pagpatay sa mga maylupa sa Gitnaang Luzon. Gayong ilan lamang ang naganap, nasindak ang pamahalaan at nagpairal si Pangulong Quezon ng mga batas ukol sa pagsasaayos ng mga lupain [land reform], pati na ang pagbawas hanggang 30 porsiyento lamang ng ani ang maaaring kunin ng mga maylupa sa mga magsasaka. Matunog ang palakpakan sa alituntunin ngunit, kontra mando, hindi naman pinansin ng mga maylupa o ng mga litisang bansa [courts]. Kahit si Quezon ay walang tiwala na matupad ang mga alituntunin.
Mando sa kontra-mando, nagpatuloy ang pakibaka ng mga PKP sa Gitnaang Luzon. Kontra-mando, ginamit ng mga mayaman ang kanilang katayuan at mga kaibigan sa pamahalaan upang pigilin ang pag-unlad ng mga anak-pawis, na magbubunga ng pagbaba ng kanilang bagong buhay-Manila. Tinulungan ng PC [Philippine Constabulary] ang mga sandatahang bantay na inarkila ng mga haciendero upang pipilan ang mga PKP. Kontra-mando uli nang nagpatuloy ang dahas ng mga PKP, nang ayaw tumahan ang mga maangal, dinoble ng pamahalaan ang dami ng mga PC. Tapos, dinoble uli nuong Junio 1938 hanggang Marso 1939, dahil - mando na naman - bumuklod ang PKP sa Philippine Socialist Party ng Pampanga at sa Kaisahan ng mga Manggagawa at mga Magbubukid o WPU [Workers and Peasants Union] sa Manila at paligid, upang lalong umalingawngaw ang kanilang mga kalampag sa padami nang padaming demonstration sa Manila. Kontra-mando, naghayag ng martial law [Totoo, hindi lamang si Ferdinand Marcos ang mahilig sa martial law] ang pamahalaan nuong 1938 at ang PC ang namahala sa lalawigan ng Pampanga at Bulacan nuong taon na iyon. Mando uli, nangako sina Evangelista na kakampi na sa Comonwealth at pagkaraan ng 6 taon, pinawalan sila nuong 1938. Mabilis na bumaliktad sina Evangelista at pinalawak ang kanilang adhikain mula sa Gitnaang Luzon hanggang Bataan, Zambales at mga pulo ng Cebu, Panay at Negros.
Hintay muna: Hindi ba Comunista at subersibo silang lahat? At bakit takot na takot sa mga comunista?
Ang PKP na bumuklod sa mga Socialista ng Pampanga ay mga comunista, pati ang mga pinuno at ilan-ilang kasapi ng KPMP. Nasa nilang ibuwal at sila ang pumalit sa pamahalaan, ngunit daig-karamihan sa mga kasapi at mga kakampi ay tanggi sa mga hangaring politica. Nais lamang nilang madagdagan ang sahod ng mga manggagawa o bahagi ng ani ng mga magbubukid. Maaaring sabihin na ang pag-ayaw, at kawalang muwang sa politica ng daig-karamiha ng mga tao ang dahilan ng kanilang pagiging mahina at hindi pagdinig ng mga nasa pamahalaan. Ang mga comunista ay subersibo, hangad pabagsakin ang pamahalaan at sila ang pumalit. Takot lahat sapagkat nuong nagwagi ang mga comunista sa Russia nuong 1918, binitay ng mga comunista ang lahat ng may lupa. Itinaboy din sa mga ilang na bundok ang lahat ng kumalaban sa mga comunista. Milyon-milyong tao ang napatay o "naglaho" [Nangyari muli ang pagpatay ng milyon-milyong may lupa nang nagwagi ang mga comunista sa China nuon 1949.] Sa Gitnaang Luzon, may mga pulis, sundalo at mga cacique na "naglaho" nuon.
Ngunit dumarating na ang digmaan.
Naramdaman ng lahat ang palapit nang mga Hapon nuong 1941, at nagmungkahi si Evangelista na topo-topo muna at tutulungan ng PKP at PKMP ang pamahalaan. Walang tiwala kay Evangelista, - isa na naman bang mando ito? - tumanggi si Quezon at inilagay nuong Junio 1941 ang pulis sa lahat ng lalawigan sa Gitnaang Luzon sa ilalim ng PC; kontra-mando uli, upang makatulong sa pagmanman at pagsupil sa mga tagabukid, ang mga subersibo at mga mapaghimagsik. At naipit na naman ang mga pangkaraniwang mamamayan sa kawalang-muwang nila sa mga dumarating na pangyayari.
Mando kontra-mando, ang lahat nang ito ay nagbago nuong 1942.
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|