PINAS
Munting Kasaysayan
Ng Pira-Pirasong Bayan
TINIPON at isinalin sa Tagalog upang huwag antukin ang mga bumabasa. Isa pang dahilan, upang maiba naman at marami nang Philippine history na nakasulat sa English. Panghuli, upang maunawaan ng mga walang pambili ng bagong aklat o hindi bihasa sa English o sa Español ang mga mali at kulang-kulang na itinuro sa paaralan.
Ipabasa nawa ito sa mga walang computer.
They came, they saw, they conquered...The Spaniards gathered 7,000 islands, gave the thing a name, and made themselves masters of the place. For 300 years, the natives resisted fiercely, singly at first, then in larger and larger groups. And lost each time. In typical islander fashion, it was no big deal.
And then the Americans came.
Iyan ang dati at lumang kasaysayan ng Pilipinas, naituro at sa kasawimpalad ay itinuturo pa sa lahat ng Pilipino. Laging English, laging nagsisimula sa pagdating ng mga Español, laging tungkol sa mga dayuhan, laging walang katuturan sa mga katutubo. Laging laos, simula’t simula pa.
Kahit gaanong tapat at taos-puso, hindi mahuhuli sa ibang wika ng ‘Once upon a time’ ang kalooban ng Pilipino, ang pag-unawa at pakikipag-isa ng damdamin sa mga tao ng nakaraan na, sa huling tuusan, ay ang buod at puso ng anumang kasaysayan. Kaya nang mabalita na Tagalog, o Pilipino, o Filipino (whichever) ang gagamitin na sa pagtuturo sa mga paaralan, masigla ang naging paghanap ng kasaysayan ng Pilipinas na sulat sa Tagalog, o Pilipino, o Filipino (alinman) dahil sa pag-asang mababasa na, sa wakas! ang karanasan ng bayan mula sa paningin ng katutubo, hindi sa wika (at damdamin) ng dayuhan.
Ngayon, narito sa mga pilas (pahina!) nitong aklat (libro!) ang makabagong salaysay ng Pilipinas, sa sariling wika, mapagtugis, wagas sa karanasang Pilipino, mula nuong unang panahon pa. At tungkol sa mga Pilipino, hindi ibang tao. Matutunghayan ang kasaysayang ito bilang kabuoan (summary, gist) o maaaring gamitin bilang gabay (guide, outline) ng karagdagan pagsaliksik at pag-aaral ng karanasang Pilipino. Ang tangka dito ay makatulong sa mga nag-aaral o nagtuturo sa paaralan, o pangsariling aliw, at pakikipagtalo, ng mga nais magpalawak ng kaalaman tungkol sa bayan.
Matanda at mahaba ang salaysay, bawat pulo ay waring may kani-kaniya, at munti lamang ang maisasali, paumanhin po. Mailalatag ang mga pilas (chapters, table of contents) kapag pinitik (click) sa ibaba. Kung nais maisali ang anumang paksang nalaktawan, paki-email at ita-Tagalog, idadagdag. Kung may mali, patawad po, pakisabi mandin, at uulitin.
Payagan pong gamitin ang SN bilang pahiwatig “sa nakaraan” [ago sa English] dahil marami sa mga pangyayari sa kasaysayan ay nagsimula maraming taon SN at, gaya ng Pilipino, ay patuloy na nangyayari pa sa kasalukuyan.
Halina po! Kung nais mag-email tungkol sa anuman
 
Pabalik sa nakaraan | Ang Mga Pilas | Tahanan Ng Mga Kasaysayan | Ulitin ito | Ipagpatuloy sa susunod |
---|